Bistado! Mandurukot sa isang tindahan, nabulilyaso

Kung madalas na nakukunan ng CCTV ang mga insidente ng pandurukot na kadalasang nagtatagumpay ang mga kawatan, sa isang department store sa Quezon City, umuwing luhaan ang magnanakaw.


Ipinakita ang CCTV footage sa loob ng tindahan na makikita ang isang namimili na nasa likod ang dalang bag.
Habang abala ang biktima sa pagtingin ng bibilhin, nasa likod naman niya ang mandurukot at panay ang tingin sa bulsa ng kaniyang bag.



Nang makakuha ng tiyempo, mabilis na binuksan ng kawatan ang zipper ng bag at dinukot ang nakalagay na cellphone.
Pero tila nakaramdam ang babae kaya mabilis niyang tiningnan ang kaniyang cellphone. Nang makita na nawawala ang gamit, hinablot niya ang kawatan na papaalis na sana.
Matapos na komprontahin ng biktima ang mandurukot,  nakuha niya muli ang kaniyang cellphone.
Hindi naman sinabi sa report kung ano ang ginawa sa nabulilyasong mandurukot.



Loading...