NPD Chief Supt. Roberto Fajardo, na nagsabing kilalang siga, adik sa lugar si Kian,Sinibak sa puwesto

Inalis sa puwesto nitong Martes si Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Roberto Fajardo, isang araw matapos niyang sabihin na kilalang siga, adik, at tulak sa Caloocan City  ang napaslang na 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos.


Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa, inutos niya na alisin sa puwesto si Fajardo "for command responsibility" dahil sa pagkamatay ni Delos Santos, na nanlaban umano kaya napatay ng mga pulis sa isang anti-drug operation sa Caloocan noong nakaraang linggo.
“Effective today, administratively relieved yung director ng NPD.  Ngayon ko lang pinapa-issue ‘yung order,” pahayag ni Dela Rosa sa isang panayam sa radyo.
“Administratively relieved while the investigation is going on para to give way to an impartial investigation, para matapos ang investigation kaagad dahil sa nangyari kasama na ang command responsibility,” dagdag niya.
Sa hiwalay na panayam ng GMA News TV "QRT," sinabi ni Dela Rosa na ang pag-alis kay  Fajardo sa puwesto ay para matiyak na magiging parehas ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyari sa binatilyo.
Nitong Lunes, sinabi ni Fajardo sa isang pulong balitaan na kilalang siga, adik at tulak sa lugar si Delos Santos pero naging mabait na umano nang mapatay dahil nahaluan na ng pulitika ang insidente.
Una nang itinanggi ng mga kaanak ng binatilyo ang paratang ng mga pulis.
Ayon kay Dela Rosa, hindi na usapin kung sangkot sa droga si Delos Santos, at sa halip ay nakatutok ang kanilang imbestigasyon kung sadyang pinatay ng mga pulis ang binatilyo kahit nasa kostudiya na nila.


Batay kasi sa kuha ng CCTV, hawak na ng mga pulis si Delos Santos; pero idinahilan ng mga awtoridad na tumakbo ito at pinaputukan sila kaya nila napatay.
Sa awtopsiya na ginawa ng Public Attorney's Office, nagtamo ng mga tama ng bala sa likod at sa ulo si Delos Santos.
Sinabi ni Dela Rosa na ililipat muna pansamantala si Fajardo sa Administrative Holding Unit ng PNP sa Camp Crame.
Isinailalim naman sa restrictive custody ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ni Delos Santos na sina Police Officer 4 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.
Inalis din sa puwesto ang precinct commander na si Chief Inspector Amor Cerilo.
Isinailalim din sa "administrative relief" si Caloocan City police chief Senior Superintendent Chito Bersaluna, para matiyak ang patas na imbestigasyon.
Source :GMA



Loading...